Ako ay Pilipino
Marunong talaga akong kumanta. Hind ko lang alam ang lyrics ng kantang yan, pero alam kong iyan ay si Kuh Le Desma (yata). Ang totoo nga nyan ay maganda talaga ang boses ko, as in maganda talaga. Kaya ko yang mga sigawan at biritan at putulan ng vocal chords kung yun lang ang usapan. Pero may tenga din naman ako. Hindi naman puro boses lang ang pinapagana pag kumakanta. Kailangan ding naririnig mo ang boses mo para alam mo kung nasa tono pa rin ang pagpupunit mo ng lalamunan. Pero hindi talaga yan ang paksa ko ngayon. Naisingit ko lang kase kanta yung unang linya nitong entry ko.
Eniwey.
Ako ay Pilipino. Green ang passport ko at kailangan ko ng visa sa lahat ng bansa na maaari kong naising puntahan maliban sa Iran at sa Hongkong. Hindi katulad ng mga taong blue ang passport na uber madaming lugar na pwedeng puntahan at walang hassle ng pag-a-apply ng visa. Kainggit no? Pero hindi pa rin travel ang topic ko ngayon.
Eniwey.
Oo na, para hindi na humaba pa ito, ang topic ko ay ang aking pagiging Pilipino at ang isang malaking aspeto nito - ang Tagalog. Nakikita nyo naman, marunong akong mag-Tagalog. Nakakapagsulat ako nito kaya nga ayan o, may post ako ngayon. Alam ko ang mga maraming rules (hindi ko alam ang Tagalog nito, pasensya) ng lenggwaheng ito tulad ng ganito:
Pupunta din ako riyan. - MALI
Pupunta rin ako dyan. - MALI
Pupunta din ako dyan. - LALONG MALI
Yung mga ganyang bagay ba. Natutunan ko talaga yang mga kaartehan na yan dahil mayroon naman kaming asignaturang Pilipino sa grade school at high school at kung may middle school sa amin ay siguradong mayroon din kaming Pilipino doon. Hindi naman ginagamit ng mga nakakausap kong nananagalog sa paligid ko. Ang maririnig mo lang na ganyan magsalita ay mga matatandang old school na amoy lupa. O kaya yung mga probinsyano/a. O kaya yung mga karir na talaga sa pananagalog. Pero wag naman ganun, kahit pa kaartehan yan, yan daw ang tama, at yan ang magbibigay ng hustisya sa ating neytib tongue.
Ang problema ko lang sa Tagalog ay hindi ako magaling bumigkas nito. Hindi rin ako marunong ng diretsong bigkas na Tagalog. Lagi kong nahahaluan ng foreign terms (katulad nyan) kahit anong gawin ko. Isipin mo to, isang batang mga ilang buwan nang nag-aral ng Ingles. Alam na ang mga patterns. Alam na ang mga kung ano anong bagay na dapat tandaan ukol sa salitang inaaral. Marunong na ng sunod sunod na Ingles. Pero hindi matatas. Malabo. Low definition. Pero wala naman akong speech problem o impediment. Maayos naman akong magsalita, lalo na kung Ingles. Akala ko nga ay tama lang ang pananagalog ko hanggang sa marinig ko isang beses ang boses ko. Pangit. Hindi kaaya-aya ang tunog ng aking Tagalog. Kumbaga sa pagkanta, walang kanto ang boses. Hindi mo siguro yan maiintindihan kung hindi ka marunong kumanta, pero basta parang ganon yun. Ganon ang Tagalog ko.
At eto pala, naisip ko na ang pinakamagandang analogy. Si Geoff Eigenman (di ko alam kung tama yung apilido), pangit mag-Tagalog di ba? Pangit sya magsalita talaga. Parang abnormal. Parang ganon ang Tagalog ko, pero hindi abnormal. Pero ang English nya, nakakaawa talaga. Naaawa ako sa kanya pag sinusubukan nyang mag-Ingles sa MYX. Para i-quote ang isang di kilalang artista sa isang pelikulang napanood ko noong isang taon, "It's like watching one of those animals get killed on the Discovery channel."
Kaya madalas ay Ingles na lang ang salita ko. Maliban nga lang sa bahay dahil galit sila sa mga Kano. Bobo daw ang mga Kano. Pero tingin ko bobo nga sila talaga. May talent kasi akong malaman kung bobo ang isang tao e. Kaya British na lang ang salita ko sa bahay.
Pero ano nga ba ang tinutumbok ko? Wala naman. Kinukwento ko lang. At pinapraktis ko lang ang Tagalog. O iisipin mo naman, pano ko mapapraktis e sinusulat ko naman to, hindi ko sinasabi. E di babasahin ko itong entry ko pag natapos ko na. Pahiya ka no?
